MGA KAULAYAW NG KAPE


Cyril Maano
Valentina’s Coffee Corner
Closing special: Drink all you can ‘til dawn!
Choices: Cappuccino, coffee w/cream and sugar, iced, and black coffee …  Enjoy!

Capuccino

Chuva ka, Mike!  You tied the knot na pala, kahit na not knowing akils.  Eh, sira ka pala eh.  Bakit naman hindi mo sinabi?  Eh di sana, nakapag-ninang pa akils sa iyong marriage bandage.  Anyway Gokongwei, wala na tayong magagawa diyan.  No, I’m not angry.  Bakit naman?  Ako pa?! Ako pa?!! Marami yata akong jowa.  Alam mo naman, maski na nung high school tayo, habulin na ako ng mga boys.  Ano?  Ako ‘yung nanghahabol?  For your information mother nation, ako ang beauty queen sa Talipapa National High School.  Eh ano kung Gay Beauty Contest ‘yun?  Eh ano rin kung nabugbog sarado ako noon ng aking Papa Don’t Preach?  I proved my worth to the whole community.  Mantakin mong ang tanong sa akish nung bobang judge “what is the essence of being gay?”  kung hindi ka ba naman malintikan sa nerbiyos.  Pero buti na lang, nakita kita from the audience, Mike.  Pinalakas mo kasi ang aking loob, kaya hindi nalaos ang beauty ko.   Napasalamatan na ba kita?  Bastos ka, Mike.  Hindi mo na ma-remember ang aking award-winning answer?  Siyet!  Nilaos ko pa naman noon si Sushmita, tapos hindi mo maalala?  Okay uulitin ko, “To be gay is to show humanity how to love fearlessly and passionately, without the assurance of being loved in return. Thus, the essence of being gay is to become a manifestation of divine selflessness.  O, di va?! Tsugi sila do’n!  Bakit ko nga ba nasabi ‘yon?  Well, wala lang.  I just figured it’s the truth. Itinuro na ‘yun sa akin ng experience.  Oo.  ‘yung  mga experience ko with love… with you.  Ay! Sorry Tita Cory, did I offend you?  Naalala ko lang bigla Mike.  Remembers mo ba ‘yung mga walking talking natin papuntang school?  Ikaw pa nga ang nagturo sa aking jumingle bells sa pader.  Kaso, wis ko naman feel dahil nawawalan ako ng poise.  Hah!  Remembers ko rin kung paano mo ako ipinagtanggol sa mga yucky boys nung elementary.  Ayaw na ayaw mo noong tinutukso akong bading.  Nagpapasalamat naman ako sa iyo.  Kaya lang, Mike, hindi ko naman ikinahihiya ang aking identity.  Desisyon ko ito.  Bakit? Si Papa Don’t Preach nga kasi, binugbog to death si Mama Bear nung bata ako.  I just realized I don’t want to be like him, Mike.  Hindi kasi ako mahilig sa sigaw ng babae, sa amoy ng beer at sa blood.  Gusto ko tahimik.  Mabango.  Malinis.  Buong buhay ko iyon lamang ang aking hinanap.  Natagpuan ko na rin iyon, marahil.  I mean, mabango lagi ang parlor ko.  Magaling namang maglinis ang kasama kong si Dionne.  Pero ‘yung tahimik… 

 Hmm, ang sarap talaga ng kape dito.  Ang paborito ko cappuccino.  Mabula kasi. Unique.  Ikaw, what would you have?  Ah, hindi ka nga pala umiinom ng kape.  Bawal nga pala ‘yun sa heart mo.  Speaking of that, kumusta naman ang life mo with that woman?  Sino ba siya?  Kilala ko?  Sino?  Si Marsha?!! ‘Yung pangit na ‘yon ang pinakasalan mo?  Baket?! Mahal mo kasi.  Hay.

Naaalala ko nung grade school tayo, Mike.  Alam mo bang ikaw ang pinakaunang taong nagmahal sa akin.  Aside from Mama Bear, of course.  Ikaw ang aking knight in shining armor sa mga batang nanunudyo.  Ikaw din ang masipag makinig sa aking mga crying escapades with my papa. Kaso, iniwan mo rin ako nung high school.  After tuksuhin nila tayong dalawa.  Nakita kasi nilang naka-embrace tayo under the mango tree.  Kino-comfort mo ako nun dahil na-punching bag na naman ako ng papa.  Eh kaso, pinalaki nung mga chismaks na bruha ang nangyari. Iskandalo sa school.  Nagwala ang mga parents natin.  Kaya nga sumali ako sa beauty contest na ‘yon to clear myself.  To speak my mind.  Kaso mukhang hindi rin yata naging effective.  Iniwasan mo ako all the way to graduation day.  Dehins ka man lang nag-explain. Bruha ka rin Mike.

Hindi naman ako offended.  Naiintindihan ko naman kasi.  Alam mo ‘yon… life is like a cup of coffee. Kailangan ang pait para magising.  Huwag kang humingi ng paumanhin.  Sinabi ko naman… naiintindihan ko.  Gaya ng pag-unawa ko nung itinanggi mong mayroon tayong relasyon sa mga kaibigan natin.  Sa mga magulang mo.  Gaya nung pag-unawa ko sa ginawa mong walk-out nung tanghalin akong “Ms. Gay” sa Talipapa National High School.  Katulad nung pag-intindi ko nung isang linggo… nung malaman kong ikinasal ka na kay Marsha.  Sinabi ko naman sa iyo, “to be gay is to show humanity how to love fearlessly and passionately, without the assurance of being loved in return… the essence of being gay is to become a manifestation of divine selflessness.” Natutunan at pinanindigan ko iyon nung mahalin kita…

Ang sarap talaga ng kape.
Waitress, saan ba ang comfort room?

Coffee with cream and sugar 

 Alam ko namang may patutunguhan tayo.  Maski medyo magulo ang sitwasyon ngayon.  Ibig kong sabihin… Doris, mahal kita.  Hindi mo ako naiintindihan.  Imposibleng maghiwalay tayong dalawa.  Ilang taon na ba tayong magkasama?  Hindi ko na yata mabilang… institusyon na ang pagmamahalan natin eh.  Parang itong kapeng iniinom natin ngayon.  Nung nagkamalay ako, ito na ang kapeng dinaratnan ko sa mesa tuwing umaga.  Ikaw, simula pa nung elementary, ikaw na ang babaeng niligawan ko.  Minahal.  Hanggang ngayong may mga trabaho na tayo.

Naiintindihan kita, nakauumay na ang sitwasyon.  Ilang taon na tayong magkasama.  Sa maraming taong iyon, marami na rin tayong napanalunang award sa prom, at napuntahang sinehan.  Nauubusan na nga tayo ng paraan kung paano ipagdiriwang ang Valentine’s Day.  Tulad nung isang taon, kumain na lamang tayo ng kornik sa Luneta.  Tapos ngayon… pinagtatalunan natin kung magba-Valentines Day pa tayo sa susunod na mga taon o hindi.  Nagsasawa ka na sa sitwasyon.  Pareho lamang tayo, Doris.  Hindi rin kita masisisi kung pinagdurudahan mo na ang pagmamahal mo sa akin.  O ang pagmamahal ko sa iyo.  Minsan nga, nasabi mo sa aking mukhang mas mahal ko na ngayon ang aking pagsusulat sa magasin kesa sa iyo.  Pero hindi nga ba’t nais mo rin ng panahong mapag-isa?  Sa akala mo ba, hindi ko pinagseselosan ang accounting sheets sa mesa mo.  Naiisip ko minsan, buti pa ang mga ‘yun kahit ilang taon mo nang kasama, hindi mo pinagsasawaan.  Ang punto ko, Doris, pareho lamang tayong nahihirapan sa sitwasyon.  Ano?  Ano pa ang silbi ng pagsasama natin kung hindi na kasing tindi ng dati ang emosyon?  Hindi mo talaga nauunawaan, Doris.  Hindi tayo puwedeng maghiwalay dahil nakagawian na nating ibigin ang isa’t isa.  Natural na sa atin ang emosyon ng pagmamahal.  Nung isang gabi, halimbawa, iniiisip kita habang umiinom ako ng kape.  Tapos, natuklasan kong ang pag-ibig pala ay parang kape.  Habang tumatagal, lalong tumitindi ang addiction sa taong minamahal.  Kapag nawala ka sa buhay ko Doris, hahanap-hanapin kita.  Hindi ako mapapakali.  Mababahala ang lahat.  Wala pa namang rehabilitation center para sa mga addict na puso.  At ikaw din, Doris.  Hahanap-hanapin mo rin ang lahat ng pinagsamahan natin.  Maaalala mo, maging ang pagsimangot sa iyo ng aking nanay kapag dinadala kita sa family reunion.   Maaalala mo rin ang mga gabing hinahabol ako ng aso ninyong si Bruno dahil nakalimutang ikandado ng tatay mo ang kulungan.  Nakukuha mo ba ang ibig kong sabihin?  O, tahan na, Doris.  Tahan na.  Doris, nandito ako.  Halika rito.  Bukas ang aking bisig.  Para lamang sa iyo.  Hindi nababagay sa maganda mong pisngi ang luha.  Hindi nararapat lapatan ng alat ang tamis ng iyong labi, mahal ko.  Ano?  Mayroon ka bang gustong sabihin, Doris?  Sige, ibulong mo sa akin, huwag kang mahiya. Gusto mo kamo ng pagbabago?  Anong klaseng pagbabago, mahal ko?  Papaano? 

Kasal?!  Ha? Ah, pasensya na at napalakas ang boses ko, Doris.  Hindi ako galit.  Kailan ba ako nagalit sa iyo?  Hindi ako galit… nagulat lamang.

Hindi ko kasi maintindihan… 

Iced Coffee

 Ito na nga marahil. 

Naramdaman ko ang bahagyang panlalamig ng aking katawan, habang iniinom ang kapeng inilapag sa mesita ng waitress.  Bumalik muli sa aking alaala si Leah.  Si Leah at ang batubalani niyang mata.  Si Leah at ang kanyang malambing na tinig.  Nakaramdam ako ng bahagyang kirot sa aking dibdib. 

Nagkakilala kami ni Leah sa isang maliit na kapihan kawangis nito.  Dim lighting, mesitang pandalawahan, cozy atmosphere, bagay sa mga masinsinang talakayan.  Kainitan noon ng Women’s Liberation Movement, at si Leah ang presidente ng kanilang grupo.  Ako naman ang naitalagang speaker para sa Conservative Sector.   Ang isyung pinagtatalunan noon, equal rights sa mga kababaihan.  Nagkita kami ni Leah sa coffee shop upang ilahad ang agenda ng aming grupo.  Nauwi sa dinner-date ang aming pagtatalo, na naulit pa ng naulit dahil sa nabuo naming paghanga sa isa’t isa.  Matalino kasing babae si Leah.  Sa buong buhay ko, siya lamang ang nagtagumpay na papag-isipin ako sa sariling argumento.  Sinabi ko kasi noon sa kanyang nararapat tanggapin ng kababaihang Diyos na mismo ang nagtalaga sa nakaaangat na kalagayan ng lalaki sa lipunan.  Ang sagot ni Leah sa akin:  “But Adam asked God for Eve.  Eve did not ask for Adam.” 

Bukod sa matalino, masipag makinig si Leah.  Hindi ko napansing sa bawat oras na magkasama kami, halos naikuwento ko na pala ang aking buhay sa kanya.  Hindi kasi mahirap pagtiwalaan ang malalim niyang mga mata.  Subalit mayroon pa siyang isang katangiang kapansin-pansin noon.  Wala siyang masyadong binabanggit tungkol sa kanyang sarili.  Balot siya ng misteryo.  Naisip kong epekto marahil iyon ng Women’s Movement.  Nawalan marahil siya ng tiwala sa mga lalaki.  Gayunpaman, hindi ito naging balakid upang magmahalan kami.  Pagkatapos ng ilang buwan, ikinasal ang militanteng si Leah sa konserbatibong si Edgar. 

Naging maligaya naman kami.  Subalit sa paglipas ng mga buwan, napansin ko ang kanyang pagkabalisa.  Ngunit sa tuwing inuungkat ko iyon, masigla siyang tatanggi.  Nagsimula akong mangamba.  Ang misteryong dati’y kaakit-akit ang bumabahala ngayon sa akin.  Napansin ko ang unti-unting pagpanaw ng liwanag mula sa kanyang mga mata.  Kalaunan, ang malumanay niyang mukha ay naging kawangis na ng kubrekamang ginugusot sa aming pagsisiping. 

Isang araw, nahuli ko siyang umiiyak.  Niyakap ko siya ng mahigpit.  Ano ang bumabahala sa iyo, Leah?  Sabihin mo sa akin.  Makikinig ako. “Edgar, dapat tayong maghiwalay.”  Nagulat ako.  Itinanong ko kung bakit.  Noon ko nalaman ang lihim ni Leah.  Girl in the closet siya. Lesbian.  Pinilit niyang itanggi iyon sa kanyang sarili.  Nung magkakilala kami, nakakita siya ng pag-asang magbago.  “Mahal kasi kita.”  Subalit ang katotohanan ay parang kapeng mananatiling mapait, lagyan man ng masaganang asukal at gatas.

Pinagmasdan ko ang natutunaw na yelo sa aking kape.

Ito na nga marahil.  Ito na ang taglamig sa aming pag-ibig.  Itinanong ko sa aking sarili kung bakit ganoon ang nangyari.  Marahil minahal ko siya ng labis.  O baka naman ako ang kinulang ng apoy sa pagsuyo.  Isa lamang ang sigurado ko: patuloy na sumusuntok ang puso sa aking dibdib.  Animo mandirigmang hindi sumusuko, sugatan man ang katawan sa laban.

Masohista nga ako marahil.  Baliw lamang ang makaiisip sumimsim sa pait ng kape habang mayroong kinikimkim na pait ang kalooban.  Subalit batid kong kailangang tikman ang pait na ito upang tuluyan akong magising mula sa matamis naming haraya ni Leah. Sa ngayon, hindi ko kakayanin ang init ng ordinaryong kapeng lalapnos sa aking lalamunan.   Kailangan ko ay lamig na hahaplos sa pagod kong dibdib, upang mamanhid ng kaunti, at panandaliang maibsan ang hapdi sa aking mga sugat.

Kahapon, umalis si Leah ng walang papaalam.  Noon ko naalala…

Adam asked God for Eve.  Eve did not ask for Adam.

Black Coffee

Dear Manoling,

 Matagal ko na ring pinag-iisipan kung maligaya nga ako sa pamumuhay ng mag-isa.  At kahapon nga, habang nagtitimpla ako ng kape, nalaman ko ang sagot.  Ito ang dahilan kung bakit lumiliham ako sa iyo ngayon.  Nais kong maunawaan mo, higit pa ninuman, ang aking desisyon.

 Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa pagiging mabuti mong kaibigan.  Batid kong hindi nagbago iyon sa paglipas ng maraming taon.  Utang ko sa iyo ang maraming bagay.  Mula sa inayos mong mga bumbilya dito sa maliit kong kapihan, hanggang sa pagpapahiram sa akin ng iyong bisig kapag kinakailangan. 

 Aaminin kong ikinagulat ko ang biglaan mong pag-aalok sa akin ng kasal.  Bagaman isang magandang pribilehiyo ang iniaalok mo sa akin, kailangan ko itong tanggihan.  Nais kong ipaalam sa iyong tinimbang kong mabuti ang aking desisyon.  Iyon ang dahilan kung bakit tinanggap ko itong singsing.  Kailangan ko kasing malaman kung ano talaga ang nasa aking damdamin.  Kapwa may edad na rin tayo, Manoling.  Kakayanin ko nga kayang harapin ng nag-iisa ang mga darating na taon? 

           Kahapon, habang nagtitimpla ako ng aking kape, naramdaman ko ang bigat ng singsing sa aking palasingsingan.  Sabi ng aking nanay, ang dahilan daw kung bakit sa daliring ito inilalagay ang singsing ay dahil sa karugtong ng ugat niyon ang puso. Nahirapan akong huminga habang pinagmamasdan ang namamahingang hiyas sa aking daliri na kumikinang kawangis ng apoy sa liwanag ng bumbilya. Noon ko napagtanto na ang singsing ay mistula rin kadenang sumasakal sa puso.  Napaso ang aking mata sa realisasyong ito.  Tinanggal ko ang singsing.

 Sinabi mo noon sa aking kaya gumawa ng lalaki at babae ang Diyos ay dahil kailangan nila ang isa’t isa upang buuin ang sarili.  Biglang pumasok sa isipan ko ang birheng Maria, at kung paanong sa kanyang pagkadalaga, ay naisilang niya ang Diyos.  Naisip kong marahil, mayroon ngang mga babaeng ipinanganak na sadyang buo na ang tadyang.  At kasali ako roon.  Sapat na ako para sa aking sarili.  Kawangis ng araw at buwan, na kakayaning mamuhay ng nag-iisa at maligaya sa hibla ng mga ulap.  Katulad nila, kakayanin ko ring bunuin ang mga darating pang bagyo at tagtuyot ng nag-iisa. 

 Ito na marahil ang huling sulat ko sa iyo, Manoling.  Napagdesisyunan kong magpakalayu-layo muna upang mabigyan ka ng panahong pag-isipan ang aking mga sinabi.  Nais kong mahilom muna ng panahon ang anumang sugat na idinulot ng liham na ito bago tayo muling magkita. 

 Minsan, naitanong mo sa akin kung ano ang ibig sabihin ng pag-ibig.  Matagal kong pinag-isipan ang aking isasagot sa tanong na iyan.  Malaya ang pag-ibig, katulad ng tao.  At dahil dito naniniwala akong hindi natin siya maikukulong sa isang depinisyon.  Subalit kagabi, pinilit ko siyang hulihin at ikulong sa aking utak.  Mabait ang pag-ibig at sandali niya akong pinagbigyan.  Ito ang tulang isinulat ko bilang pagpapasalamat sa kanya.

Isang depinisyon
Ang pag-ibig ay dalandan.
Sa puno, sa bakuran.
Kalamansi kapag minadali,
Inuuod kapag pinaghintay ng labis,
Tumatamis sa tamang panahon.
Hindi ka niya binubusog sa titig lamang.

Ang pag-ibig ay pinipitas.
Ang pag-ibig ay tinitikman.

Ang pag-ibig ay
Sinusugatan muna sa balat ng takot
Bago hubaran ng pagkukunwari at
Hugasan ng pag-aalinlangan.

Sa pag-ibig, 
Mananatili kang mulat
Kapag sumisirit ang kanyang katas.
Patuloy na hihinga
Kapag natutusing sa kanyang mga pangako.

Sa pagkain, ang pag-ibig ay pinipira-piraso.
Kinakagat ang bawat lihiya.
Sinisipsip ang katas.
Nginunguya ang hibla ng laman.
Itinitira ang buto upang itanim at pagyamanin
Sa sariling kalikasan.

Ang pag-ibig ay dalandan.
Hindi ponkan.
O kahel.
Na iniimport
Mula sa ibang
Puso.

                       Hanggang sa muli, kaibigan.

Nagmamahal,
                                                                                                Valentina Soledad
*                       *                       *
 
Tilaok. 



 
 
Main
Next